WALANG balak ang Malakanyang na magdeklara ng “all-out war” laban sa komunistang grupong New People’s Army (NPA).
Ito’y sa kabila na tinawag na bandidong grupo ng Malakanyang ang NPA makaraang atakehin ang convoy ni Mayor Ruthie de Lara-Guingona ng Guingoog City sa Misamis Oriental noong nakaraang linggo.
Nakaligtas si Mayor Guingona, ina ni Senator Teofisto Guingona III habang namatay naman sa nasabing insidente ang security aide at driver nito.
Ayon kay Presidential spokesperson Edwin Lacierda, gawain ng bandidong grupo ang mangikil ng pera mula sa politiko at sibilyan.
“They may have ideologies before, but what have they done? Nag-eextort sila ng pera. We have even heard that the people that they are supposed to protect, iyon ang hinihingan nila ng pera,” ayon kay Sec. Lacierda.
Matapos tawagin ang NPA na bandidong grupo ay biglang buwelta naman ito sa pagsasabing mas makabubuti sa NPA ang bumaba mula sa bundok at lasapin ang progreso ng bansa.
“There are people there who might have been misinformed, who may not have seen that this government is committed to changing their situation. May plano po tayo para sa mga kaibigan nating nasa bundok,” anito sabay sabing “We are asking those who have remained behind to see what we have to offer them. As I said, stop surviving and start living.”
Binalaan naman ni Sec. Lacierda ang komunistang grupo na patuloy na gumagawa ng illegal at masama na agad silang aarestuhin at ikukulong ng mga awtoridad.