NAGPAKAMATAY sa pamamagitan ng pag-inom ng silver cleaner ang 24-anyos na lady guard nang makipaghiwalay ang kanyang kalive-in na tomboy kagabi sa Pasay City.
Tinangkang isalba sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si Janelyn Ulep, lady guard sa NAIA Terminal-1 ngunit binawian din ng buhay habang isinailalim naman sa imbestigasyon ng pulisya ang kanyang kalive-in na si Maryjane Catalan, 32, lady guard din ng NAIA Terminal 3.
Nabatid kay Pasay City Police Chief Senior Supt. Rodolfo Llorca, nangyari ang insidente ng pagpapatiwakal sa loob ng inuupahang silid ng mag-lover sa 195 Baltao St. dakong alas-8:20 ng gabi.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Cris Gabutin ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay police, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa matapos maghinala si Catalan na may kinahuhumalingan na isa ring tomboy sa NAIA Terminal-1 ang biktima.
Habang hinihintay ni Catalan ang ka-live in, nagpadala siya ng mensahe sa text na nagpapahayag na tinatapos na niya ang kanilang relasyon ng biktima dahil hindi pinahahalagahan ni Ulep ang kanyang iniuukol na pagmamahal.
Pagdating ng biktima sa kanilang inuupahang silid, nagkulong ito at kinuha ang silver cleaner bago tinungga na naging dahilan ng pagkawala niya ng ulirat.
Kaagad namang humingi ng tulong si Catalan sa kanilang mga kasamahan sa bahay upang isugod sa pagamutan ang kalive-in.
Idineklarang patay ang biktima dakong alas-8:48 sanhi ng pagkalason.