IPATATAWAG sa Lunes, Enero 14 ng Pasay City Regional Trial Court sina dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo, dating election supervisor Atty. Lintang Bedol at dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. upang humarap sa pagpapatuloy ng pagdinig hinggil sa kanilang kinakaharap na kasong electoral sabotage.
Ayon kay Felda Domingo, tagpagsalita ng Pasay City RTC Branch 112, padadalhan ng subpoena ang mga nabanggit upang humarap sa pagsisimula ng unang araw ng trial o paglilitis ng nasabing kaso sa Enero 31 araw ng Huwebes.
Ayon pa kay Domingo, hindi kinakailangang magtagal ang mga kasusado sa hukuman dahil kinakailangan lamang nilang pirmahan ng personal ang tinatawag na pre-trial order.
Dagdag pa nito, magpapadala na rin sila ng subpoena sa Police Security and Protection Group, Veterans Memorial Medical Center, kung saan naka-hospital arrest ang dating pangulong Arroyo, PNP Custodial Center kung saan nakakulong si Bedol at sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kung saan nakapiit si Ampatuan para sa pagbibigay seguridad sa kanila.
Magugunitang sinampahan ng kasong electoral sabotage ng Comelec sina Arroyo, Ampatuan at Bedol noong nakaraang taon dahil sa naganap na dayaan noong 2007 halalan.