PINALAGAN ng Malakanyang ang ulat na may basbas ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. ang pagsawsaw ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa pag-imbestiga sa kontrobersyal na Atimonan, Quezon incident.
Sinabi ni Ochoa na walang alam ang kanyang tanggapan sa sinasabing “Coplan Armado” operation sa nasabing isyu.
Sa ulat, lumabas na nakisawsaw na rin ang PAOCC sa pag-iimbestiga sa kontrobersyal na Atimonan, Quezon incident.
Subalit, sinabi ng opisyal na hindi ito totoo kaya nga inatasan na ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. ang PAOCC personnel na makipag-ugnayan sa National Bureau of investigation (NBI) na kasalukuyan ngayong nangunguna sa pag-iimbestiga sa naturang insidente.
“I share the concern of those who seek clarifications regarding the circumstances that led to the loss of lives, and I am confident that the inquiry to be conducted by the NBI will help produce an accurate account of the events surrounding the shootout,” ayon kay Ochoa.
Sinasabing may “go-signal” si Ochoa sa pagsawsaw ng PAOCC sa nasabing ‘Coplan Armado’ laban kay Vic Siman, isa sa napatay sa engkuwentro.
Tinuran ni C/Supt. Reginald Villasanta, executive director ng PAOCC, totoong may tinanggap na proposal ang PAOCC mula kay Supt. Hansel Marantan laban sa sinasabing gun-for-hire group pero hindi nila inaprubahan.
Aniya, hindi nila naasikaso ang nasabing proposed operation ni Marantan dahil marami silang activities noong panahong ‘yun.
Binigyang diin ni Villasanta na nabigla rin sila sa pagkakadawit ng PAOCC dahil wala naman silang kinalaman at katunayan walang tao ng kanilang tanggapan sa operasyon.
Itinanggi rin nitong may kinalaman si dating P/Supt. Cezar Dumlao, dating nasangkot sa Dacer-Corbito double murder case at ngayo’y nasa PAOCC na.