TODAS ang 2-taong gulang na batang babae habang tinatayang 35 mga bahay ang naabo sa naganap na sunog sa Brgy. Palanan, Makati City, kaninang madaling-araw, Abril 21.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing nag-umpisa ang apoy sa ikalawang palapag ng Pamilya Boyco dahil sa nag-init na exhaust fan bandang alas-2:10 ng madaling-araw na tumupok sa tahanan ng 50 pamilya.
Matapos ang halos 10 minuto na sunog, agad na itinaas sa ika-limang alarma ang sunog na bandang alas-2:45 ng madaling-araw nang ideklarang fire out.
Base sa salaysay ng ama ng biktima na si Dariel Boyco, 21, nailabas na niya ang bata mula sa nasusunog nilang bahay at naiabot na sa mga kapitbahay.
Subalit hindi nito namalayan na napabayaan ang kanyang anak dahilan upang bumalik ito sa kanilang bahay.
Hinihinalang sa electrical wiring nagsimula ang sunog.