PATAY ang isang bilanggo sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) nang mabaril ng isang jail guard makaraang mag-amok at manaksak ang nauna ng isa pang jail guard kanina sa Muntinlupa City.
Kinilala ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Bucayu ang biktimang si Lauro Lumapas, habang sugatan naman ang nasaksak niyang jail guard na hindi muna binanggit ang pangalan.
Sa inisyal na ulat, ililipat si Lumapas mula sa dormitory patungo sa disciplinary cell dahil sa pagiging pasayaw nang bigla nitong undayan ng saksak ang escort na jail guard.
Kaagad rumesponde ang isa pang jail guard at nang makitang sugatan ang kasamahan ay binaril nito si Lumapas na naging sanhi ng agad niyang pagkamatay.
Hindi muna binanggit ng pamunuan ng NBP ang pangalan ng jail guard na bumaril kay Lumapas hangga’t hindi pa natatapos ang kabuuan ng isinasagawa nilang imbestigasyon.
Inaalam din ng pamunuan kung saan nanggaling at bakit may dalang patalim si Lumapas bago ito ilipat ng kulungan.