PATAY ang isang konduktor ng bus matapos bumangga ang kanilang bus sa nakaparadang 10 wheeler na trak sa South Super Highway sa Pasay Road, Makati City kaninang madaling-araw.
Kinilala ng Makati Police Traffic Division ang biktima na si Ricy Monton, konduktor ng JAC Liner na umabot pa ng kalahating oras bago naalis sa pagkakaipit sa harapan ng bus.
Sa imbestigasyon, naganap ang aksidente ala-una ng madaling-araw nang banggain ng Jac Liner bus na galing Lucena City ang trak na nakaparada sa South Super highway matapos na masiraan.
Huli na bago napansin ng driver ng JAC Liner na si Policarpio Ilagan na nakatigil pala ang nasabing trak kaya sumalpok sila sa likurang bahagi nito na ikinaipit ng konduktor at tatlo pang katao na pasahero ng bus at pahinante ng trak.
Tumakas naman agad ang driver ng Jac liner bagamat hinihinalang may sugat din ito dahil sa nawasak ang gawing harapan ng bus na kanyang minamaneho.