SWAK sa kulungan ang tatlong kalalakihan matapos madakip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraang mahulihan ng droga at baril sa operation ng mga awtoridad sa Isabela.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. nakumpiska ang mga droga at baril sa isinagawang operasyon sa isang bahay sa Purok 4, Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela noong April 11, 2013.
Nabatid sa ulat na dakong 5:00 ng umaga nang ihain ng grupo ng PDEA Regional Office 2 (PDEA RO2), Cauayan at Isabela PNP ang search warrant laban kay Nadir Gasanara, 34, at kapatid na babae nito na si Amina, alias Mina, 31, at nakumpiskahan ng may limang sachets ng shabu at mga drug paraphernalia.
Habang tinangka namang tumakas ng isa pang suspek na si Gafor Dima, 19, na palabas ng bahay bitbit ang asul na bag hanggang sa magkahabulan.
Subalit nadakip din ng mga otoridad si Dima at nakumpiska sa dala nitong bag ang may limang gramo ng hinihinalang shabu, isang kalibre .22 na baril na magnum revolver at 16 na bala at droga.
Nahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia),Article II, Republic Act 9165, at karagdagang kasong sa paglabag sa Omnibus Election Code at RA 8294 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition) laban naman kay Dima.