PATULOY pa ring inaalam ng Philippine intelligence community kung mga “spy” ang 12 Chinese na sakay ng sumadsad na Chinese vessel sa Tubbataha Reef.
“Tinitingnan pa ng ating intelligence community ang report. Meron tayong sinasagawang investigation para makita ang circumstances surrounding the grounding of the fishing boat,” ayon kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte.
Sa ngayon, wala pa ring kumpirmasyon kung mga spy nga ang mga nasabing Tsino.
Nauna rito, sinabi ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na tinitingnan na ng intelligence community ang ulat na ang 12 Chinese crewmembers ay pawang mga spy.
Kahit pa sabihing aksidente lamang ang nangyaring pagsadsad ng Chinese vessel ayon sa kalihim ay kailangan pa ring alamin ang pangyayaring ito.
Nakapiit na ngayon ang 12 Chinese fishermen sa Palawan Provincial Jail matapos sampahan ng kasong illegal entry, poaching at attempted bribery nang tangkaing suhulan ang mga park ranger ng UNESCO World Heritage Site.