ISA na lang patay, habang dalawa ang kritikal at 17 ang sugatan sa naganap na banggaan ng dalawang truck sa southbound lane ng Edsa sa may bahagi ng Muñoz, sa Lungsod Quezon, Huwebes ng madaling-araw.
Isa sa batang kritikal ang nakatakdang isailalim sa brain surgery.
Sa imbestigasyon, paliko ang trailer truck na may kargang backhoe nang salpukin sa likod ng delivery truck ng isda na may sakay na 15 sa tuktok, 3 sa harapan at 2 sa loob.
Sa lakas ng impact, tumagilid ang delivery truck kaya naipit ang ilan sa mga sakay habang tumilapon ang mga nasa tuktok at sumabog sa kalsada ang mga isda.
Dinala na sa East Avenue Medical Center at Quezon City General Hospital ang mga sugatan.
Naglaho namang parang bula ang driver ng delivery truck.