NATIONAL identification (ID) system ang ipalit kung tatanggalin ang cedula.
Ito ang isinusulong ni Maguindanao Rep. Simeon Datumanong matapos imungkahi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagbasura sa cedula o community tax certificates.
Banggit ng kongresista na dapat na aniyang maibasura ang cedula dahil isa ito tagapag-paalala ng pananakop o “stigma of colonization.”
Nito lamang Pebrero 5, 2013 ay naipasa sa ikalawang pagbasa ang House Bill 6895, na inihain ni Albay Rep. Al Francis Bicharra na naglalayong magkaroon ng Filipino Identification System.
Layunin nito na mawala ang red tape sa burukrasya sa gobyerno at gawing simple ang proseso sa mga usapin ukol sa public and private services.
Nakapaloob sa panukala na ang bawat Pilipino, nasa abroad man o nasa Pilipinas ay kailangang magkaroon ng isang non-transferrable Filipino I.D. card na magiging balido sa loob ng 10 taon at maaaring i-renew tulad ng pasaporte.
Ito ay ipagkakaloob ng libre bilang bahagi na rin ng social service responsibility ng pamahalaan. Sa mga susunod na pagkuha o pagre-renew ng ID magbabayad ang publiko.
Dito nakasulat ang pagkakakilanlan, status, kapanganakan at iba pang personal na impormasyon ng isang indibidwal.