INIAKYAT na sa Korte Suprema ang isyu ng pag-aangkin ng Pilipinas sa Sabah.
Sa 17-pahinang petition for the issuance of the writ of mandamus na inihain ni Louis “Barok” Biraogo, hiniling nito ang Kataas-taasang Hukuman na atasan ang ehekutibo na ipursige ang pag-aangkin sa Sabah sa international court.
Partikular na hiniling ni Biraogo na atasan ng korte si Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario para dalhin ang kaso ng North Borneo o Sabah sa International Court of Justice o sa iba pang tanggapan na awtorisado sa ilalim ng international law.
Tinukoy ni Biraogo na walang dudang legal na pag-aari ng Pilipinas ang North Borneo batay na rin sa kasaysayan.
Pero sa kabila umano ng pagprotesta ng Pilipinas, pinanindigan ng Malaysia ang soberanya sa North Borneo at pinangalanan itong Sabah at tumangging isuko ito sa Pilipinas.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Biraogo dahil sa halip na tulungan ang mga Pilipinong nagtungo sa Sabah, binantaan pa ng ating gobyerno ang mga ito na ipaghaharap ng kaso.
At ang pinakamasaklap pa umano, sumang-ayon si Pangulong Benigno Aquino III sa desisyon ng gobyerno ng Malaysia na bansagang terorista ang mga Pinoy na tagasuporta ng Sultanato ng Sulu na nagtungo sa Sabah.