HINDI tulad ng minesweepers USS Guardian, mas maliit lamang ang danyos na idinulot ng pagsadsad ng isang Chinese vessels sa Tubbataha Reef nitong nakaraang Lunes ng hatinggabi . Ibinase ito ng Philippine Coast Guard (PCG) sa naapektuhang lugar.
Sinabi ni Coast Guard spokesman Lt. Cmdr. Armand Balilo na ang Chinese fishing vessel na may hull number 63168 ay mas maliit kaysa sa USS Guardian.
“Maliit lang ito (It’s a smaller vessel),” pahayag ni Balilo sa isang panayam, nang tanungin at ipakumpara sa USS Guardian.
Ang USS Guardian, na sumadsad sa reef noong Enero 17, ay may habang 224 feet, na may lapad na 39 feet at may displacement na 1,300 tons.
Natuklasan na sinira nito ang may 2,345.67 square meters ng naturang reef. Pinagbabayad ng gobyerno ang US ng P58.4 milyon sa nasabing insidente.
Samantala, lumabas sa inisyal na imbestigasyon na sumadsad ang naturang Chinese fishing vessel sa Tubbataha Reef bago maghatinggabi, may 1.1 nautical miles mula sa ranger station.
Sinabi rin ni Balilo na iniutos na ni Coast Guard commandant Rear Admiral Rodolfo Isorena ang pagbabantay sa 12 Chinese fishermen.
Inatasan na rin ni Isorena na samahan ang naturang vessel sa Puerto Princesa City kapag natanggal na ito sa lugar.
Gayunman, sinabi ni Balilo na nasa Tubbataha Management Office na ang desisyon kung magsasampa sila ng reklamo laban sa mga mangigisda kapag napatunayan na sila ay iligal na nangingisda sa Philippine waters.