TINIYAK ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakatakdang ilabas ng Embahada ng Pilipinas sa Seoul ang kumpletong detalye ng mga lokasyon na maaaring gamiting “exit points” ng ililikas na mahigit 40,000 Pilipino na nakabase sa South Korea, sakaling sumiklab ang kaguluhan sa Korean Peninsula matapos ang deklarasyon na “state of war” ng North Korea nitong nakaraan buwan.
Ayon sa tagapagsalita ng DFA na si Raul Hernandez, kasado na ang contingency plan ng Embahada na ang lugar sa Gimhae at Daegu ang maaaring gamiting evacuation sites para sa mga ililikas na kababayan kung lumala ang tensiyon sa pagitan ng SoKor at NoKor.
Kabilang sa nakikitang exit points ang Gimpo International Airport at Incheon sa Busan kung saan dadalhin ang mga kababayan natin doon at sasakay ng eroplano pauwi ng Pilipinas.
Patuloy na pinag-aaralan ng Embahada ang karagdagang exit points para sa maayos at ligtas na paglilikas sa mga Pinoy sa SoKor na karamihan ay pawang propesyunal at household workers.
Sa kasalukuyan ay nananatili pa ring normal at kalmado ang sitwasyon sa South Korea kung saan ay inaabisuhan ang lahat ng Pinoy roon na maging alerto at i-monitor ang pagbabago at mag-antabay ng anunsyo o abiso mula sa South Korean government.
Binigyang linaw ni Hernandez na sa ilalaim ng alert level 1 ay hindi sasagutin ng gobyerno ng Pilipinas ang gastusin sa repatriation ng mga Pilipinong nais ng umuwi ng bansa.
Pinaigting na rin ng Embahada ang ugnayan nito sa mga lider ng Filipino community sa South Korea upang masiguro na handa ang kanilang mga miyembro sakaling lumala ang tensiyon.
Nang magsagawa ng rocket launching ang North Korea noong Disyembre 2012, pinayuhan ng Embahada ang mga Pinoy na panatilihing may kontak sa kanilang community leaders.
Wala pang nakumpirma ng DFA ang kondisyon ng pitong Pilipino na nagtatrabaho sa non-government organizations (NGOs) sa North Korea kung nananatili pa roon o lumikas na patungong South Korea.