MAHIGIT $5 million o katumbas ng P200 milyon ang ipapataw na multa ng pamahalaan laban sa US Navy dahil sa pagsadsad ng kanilang barko na USS Guardian noong Enero 17, 2013 sa Tubbataha Reef.
Nabatid na batay sa naunang report ng Tubbataha Management Office (TMO), umaabot sa 4,000 square meters ang naitalang pinsala ng assessment team.
Nagtakda naman ng pagpupulong ang Task Force Tubbataha sa Martes sa susunod na linggo para pag-usapan ang mahahalagang usapin matapos tuluyan nang maiangat ang sumadsad na barko ng Estados Unidos.
Nagpasalamat naman ang Palasyo sa tumulong para matanggal ang sumadsad na barko.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ikinagalak ng Malacañang ang pagkaalis ng barko matapos ang mahigit 10 linggong pagkabahura.
Sa kabila nito, siniguro ng Palasyo na mapapanagot pa rin ang responsable sa napinsalang coral reefs ng bansa.