LUNGSOD NG KORONADAL, South Cotabato, Ene 7 (PIA) — Ipinapatupad na ng lokal na pamahalaan ng Cotabato ang City Ordinance No. 3880, o ang ordinansa na nag-uutos sa mga business establishment o negosyo sa lungsod na magkaroon ng Closed Circuit Television o CCTV cameras.
Kabilang sa mga establisyimento na sakop ng ordinansa ang mga financial institutions gaya ng bangko, cash remittance center, pawnshops at iba pa.
Ayon kay secretary to the Mayor Anecito Rasalan, dadaan sa masusing inspeksyon ang lahat ng mga establisyementong kukuha o magrerenew ng permit.
Ito ay para matiyak na gumagana at de kalidad ang mga kinabit na CCTV camera.
Sinabi ni Rasalan na kailangang ilagay ang mga security camera sa entrance at cashiers area ng business establishment.
Kasama rin sa naturang ordinansa ang mga gasoline stations, shopping centers, department stores at groceries.
Kailangan ding maglagay ng CCTV cameras ang mga paaralan partikular ang mga kolehiyo na may higit isang libo ang bilang ng mga estudyante.
Dagdag pa ni Rasalan, hindi na rin bibigyan o i-rerenew ang mga permit ng iba pang establisyementong bukas higit walong oras na walang CCTV cameras.
Tiniyak naman ni Rasalan na magiging madali at hindi makakasagabal ang mga karagdagang requirement sa mga negosyante na kukuha ng business permit.