WALANG ibang makikinabang sa pagkakapatalsik ng Korte Suprema kay Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez kundi siya lamang.
Ito ang kinumpirma ni House Minority Leader Danilo Suarez dahil kapag naging pinal aniya ang desisyon ng SC ay mababalewala ang isang termino ni Torres at sakaling manalo sa Mayo ay ikukunsidera itong una niyang termino.
Ang masakit lamang aniya ay hindi na maaaring bawiin ang isinahod nito sa loob ng tatlong taon maging ang nagastos na pork barrel sa kanyang distrito.
Dahil dito, sinabi ng kongresista na makabubuting ipaubaya na lamang sa mga botante ng distrito ni Torres ang kanyang magiging kapalaran.
Si Lucy ay diniskuwalipika ng SC dahil sa imbalido nitong pagpalit sa kanyang asawa na si Richard Gomez na nadiskuwalipika naman dahil sa kwestyunableng residency status sa Leyte noong 2010.
Sa dakong huli ay ang constituents aniya ni Torres-Gomez ang makapagsasabi kung may mga nagawa ba ang lady solon sa loob ng tatlong taon na paninilbihan sa distrito.