HANDANG ipatupad ng Kamara de Representantes ang desisyon ng Korte Suprema na matanggal sa pwesto si Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez.
Ito ay kaugnay sa disqualification decision ng Korte Suprema laban kay Torres – Gomez na inihain ng kanyang nakatunggali noong 2010 na si Silverio Tagolino.
Ani House Speaker Sonny Belmonte, wala nang magagawa ang liderato ng Kamara sa naturang desisyon dahil wala na aniyang sesyon ang Kongreso.
Bukod pa rito ay abala na ang lahat sa kampanya para sa 2013 midterm elections.
Ngunit paglilinaw ni Belmonte na hanggang sa mga oras na ito ay hindi pa niya nababasa o nakikita man lamang ang kopya ng desisyon ng Kataas-taasang Hukuman.
Magugunitang sinampahan ng disqualification case si Torres-Gomez dahil sa iligal na pagpalit nito sa kanyang mister na si Richard Gomez para noong May 2010 elections.
Ang aktor ay nadiskuwalipika dahil sa alituntunin ng “residency” sa Leyte at sa halip ay pinalitan ng kanyang asawa.
Nanindigan naman si Richard Gomez na maghahain sila ng Motion for Reconsideration sa Korte Suprema.