KAWALAN ng programa.
Reaksyon ito ng Team Pinoy nitong Miyerkoles hinggil sa usad pagong sa survey rating ng mga kandidato sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA) ni Vice-Pres. Jejomar Binay.
Ayon kay Cong. Ben Evardone nitong Miyerkoles, dismayado siya na mas tinutukan pa ng oposisyon ang pang-iintriga sa ibang kandidato, partikular sa miyembro ng koalisyon ng administrasyon kesa maglatag ng kanilang agenda na kapaki-pakinabang sa publiko.
“Huwag ninyong isipin ang iba, isipin ninyo kung paano ninyo maililigtas ang inyong mga kandidato sa pagbulusok pababa,” payo ni Evardone sa UNA.
“Sa simula’t simula ng kampanya, ang Team PNoy ay nagpapaliwanag sa sambayan ng aming layunin na tulungan ang Pangulong Aquino na maisakatuparan ang kanyang programa sa ‘Daang Matuwid’,” ani Evardone.
“Walang kaming sinisiraan at hindi kami gumagawa ng intriga na siyang sentro ng kampanya ng oposisyon,” diin pa nito kaugnay sa alegasyon Team UNA hinggil sa pagsirit sa survey rating ni Team Pinoy senatoriable Benigno ‘Bam’ Aquino.
Magugunita na na nitong Martes, agad na kinuwestyon ni UNA secretary general at campaign manager Toby Tiangco ang pag-usad sa survey rating ni Aquino na aniya’y bunga ng ginagawang operasyon na ‘God Save the Prince’ ng administrasyon.
Sa pinakabagong Pulse Asia survey, nakuha ni Aquino ang 42%, sapat para makausad sa ika-4 hanggang ika-9 na puwesto sa ‘Magic 12’.
Sa unang resulta ng survey sa nakalipas na buwan, nasa ika-13 hanggang ika-15 si Aquino.
“Malabo ang sinasabi nilang ‘God Save the Prince’. God Save UNA puwede pa,” dagdag pa ni Evardone.
“Umiiral na naman ang masamang imahinasyon ng UNA. Para sa kaalaman ng sambayanan, wala pong ganitong operasyon ang Team Pinoy. Ang pagtanggap ng mamamayan kay Bam Aquino ay resulta ng kanyang tapat at progresibong pananaw na inilalahad sa kanyang pangangampanya,” sambit pa ng tagapagsalita.
“Hindi na kailangan ni Aquino na manira ng ibang kandidato para iangat ang kanyang sarili,” aniya.
“Nakakatawa talaga ang UNA. Kaya sila hindi makausad-usad dahil imbes na programa, puro intriga ang inaatupag nila,” pahayag ni Evardone.