PATAY ang isang lokal na opisyal ng Agusan del Sur makaraang masangkot sa malagim na aksidente sa lansangan kaninang madaling-araw sa Prosperidad ng nasabing probinsya.
Sa ulat ng Caraga police, kinilala ang biktima na si Ronald Plaza Agcopra, 51, ng Purok 6, Brgy. Kapatungan, Trento kung saan siya ay naninilbihan bilang bise alkalde.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang aksidente ala-1:30am sa kahabaan ng national highway sa Purok 4, Brgy. 4, Prosperidad, Agusan del Sur.
Sakay si Agcopra ng puting Ford Everest (SGF-DDS) nang kumaliwa ito pagsapit sa isang pakurbadang bahagi ng kalsada subalit napagawi sa opposite lane hanggang sa mahulog sa isang kanal, at nakaladkad pa hanggang 15 metro.
Nabundol ng sasakyan ang isang kongkretong lagayan ng halaman na sumaktong tumatama sa drivers side na kinauupuan ni Agcopra.
Bagaman nagawang maitakbo ng ilang barangay officials sa pagamutan ang vice mayor, hindi na ito umabot pa nang buhay at idineklarang dead on arrival ng mga doctor.