TINATAYANG mahigit P.2 milyon halaga ang tinangay ng mga hindi pa nakikilalang kawatan nang samantalahin ng mga ito ang pagbabakasyon sa Palawan ng binatang arkitekto makaraang pasukin at limasin ang halos lahat ng mahahalagang gamit sa tinutuluyang condominium nito sa Pasay City.
Kamakalawa lamang nadiskubre ni Rolando Mijares, 31, private architect, ang pagkalimas ng mga mahahalagang kagamitan na tinatayang aabot sa mahigit P.2 milyong piso sa loob ng kanyang tinutuluyang condominium sa Unit 803 8th floor Central Park Tower II, De Jorge St., sa naturang lungsod matapos umuwi mula sa apat na araw na pagbabakasyon, kasama ang kasintahang si Avegail Seco.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay police na napasok ng mga kawatan ang naturang unit sa pamamagitan ng pagsira sa kandado ng pintuan.
Inaalam naman ng pulisya kung may naganap na kapabayaan sa panig ng mga nakatalagang security guard sa naturang condominium dahil wala man lamang rekord sa mga taong naglalabas-pasok sa gusali at kung papaanong nailabas ng hindi namamalayan ang mga ninakaw na kagamitan.
Nakakuha naman ng ilang mga fingerprints ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa loob ng silid na kanilang pagbabatayan upang matukoy ang mga kawatan.