NANINIWALA si Basilan Bishop Martin Jumoad na napapanahon na para makipagtulungan ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino kay Sultan Jamalul Kiram III upang matigil na ang karahasang nagaganap ngayon sa Sabah.
Ayon sa obispo, dapat nang tulungan ng pamahalaan ang Sultan ng Sulu para makipagnegosasyon sa Malaysian government matapos nitong ibasura ang unilateral ceasefire o unilateral peace na inialok ni Kiram.
Umaasa naman si Jumoad na mareresolba ng payapa ang sigalot sa Sabah para sa kapakanan ng nakakarami.
“I think this is now the time the government to come in and help the Sultan in order that there will be no more bloodshed and peace will be attained. The Sultan would now ask the government to help them in order that there will really be real settlement of the problem, so I hope the government will help the sultan this time,” bahagi ng panayam ng church-run Radio Veritas kay Jumoad.
Samantala, ikinalulungkot naman ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Cebu Archbishop Jose Palma sa patuloy na kaguluhan sa Sabah, lalo na’t maging ang mga sibilyan sa Sabah at mga karatig na lugar sa Mindanao ay nadadamay na rito.
Ayon kay Palma, nakalulungkot na mayroong nasawi, nasugatan at nadamay sa bakbakan dahil sa hindi pagkakaunawaan at pagmamatigas ng dalawang panig na resolbahin sa pamamagitan ng diplomasya ang sigalot.
Tiniyak rin ni Palma na hangad ng Simbahang Katoliko na maayos ang gulo sa mapayapang pag-uusap para makapamuhay ng matiwasay ang mga taga-Sabah na lubos na apektado sa kasalukuyan.