MARIING tinanggihan ng Malaysia ang panawagang ceasefire ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III.
Ayon sa press conference na isinagawa ni Prime Minister Najib Razak, dapat nang sumuko ang tropa ni Kiram at bitawan ang kanilang mga armas.
Bunsod nito, mas dinagdagan pa ang puwersa ng Malaysia at nagtatag pa ng special security area na kinapapalooban ng Kunak, Tawau, Sandakan, Semporna at Lahad Datu kung saan nagkakampo ang tropa ni Kiram.
Bukod pa ang karagdagang limang batalyon sa naturang security area.
Ayon naman kay Malaysian Defense Minister Datuk Seri Ahmad Zahid, tatanggapin lang nila ang panawagang ceasefire kung susuko ang royal army ni Kiram nang walang anumang kondisyon.
Ayon pa sa defense minister, hindi dapat pagkatiwalaan ang panawagan ng Sultan.
Nag-utos pa ito na talunin ang lahat ng mga militanteng Pilipino.
Una nang napabalitang nagdeklara ng ceasefire si Kiram epektibo simula alas-12:30 ng hapon oras sa Pilipinas bagama’t nanindigang mananatili sa Sabah ang kanyang mga tauhan.