INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Manila Police District ang pagkamatay ng isang bading na umano’y nagbigti sa loob ng kanyang bahay sa Malate, Maynila.
Ang biktima ay nakilalang si Marlon Donios, alyas Nicole, 23, at taga-Noli St., Malate, Maynila.
Sa report ni PO3 Jose Gumilan, nakitang nakabitin ang biktima sa kisame ng ikalawang palapag ng bahay kahapon.
Sa pahyaga naman ng kapatid ng biktima na si Margarita Donios, 21, hindi pa naibuburol ang kanyang kapatid na hanggang ngayon ay nasa morgue ng Punenarya Cruz at nakitaan nila ng mga pasa sa magkabilang binti at hita ang biktima.
Giit ni Margarita sa pulisya, imposible aniyang magkakapasa pa ang katawan ng kanyang kapatid kung nagbigti ito.
Hinala ng mga kaanak ng biktima na posibleng may naganap na foul play kaya hiniling nila sa pulisya ang masusing imbestigasyon.
Nabatid na bago umano nakitang nakabigti ang biktima ay ilang impormasyon ang nakuha ng pulisya na nakipagtalo umano ang biktima sa sinasabing “papa” nito na hindi tinukoy ang pangalan.