HINDI kami terorista. Ito ang iginiit ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III sa panayam sa radyo matapos tawagin silang terorista ng Malaysian government.
“Terorista ba ang taong nasa bahay nila… in their own homeland?… Ang terorista ay sila.” ayon sa Sultan.
Unang lumabas sa mga news agency ang pahayag nina Malaysian Foreign Minister Datuk Seri Anifah Aman at Defense Minister Datuk Seri Dr Ahmad Zahid Hamidi na nagsasabing terorista ang Sulu Royal Army na nagsagawa ng standoff sa Sabah.
Sinabi rin ni Anifah na sumang-ayon din si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa bansag na terorista sa kampo ng Sulu Sultanate.
“Malaysia considers this group as terrorists following their atrocities and brutalities committed in the killing of Malaysia’s security personnel, two in Lahad Datu and six in Semporna, Sabah. Secretary Rosario agreed that this group should be labelled as terrorists,” ayon kay Anifah.
Nilinaw naman ng DFA na sa pakikipagpulong ng kalihim sa Malaysian officials ay hindi nito sinabing terorista ang mga kababayan.