NAKAAALARMA ang ulat na crackdown sa hanay ng mga Filipino sa Sabah, lalo pa’t hindi pa rin nakakadaong ang humanitarian mission ng Pilipinas doon.
“Yung reported crackdown is I think is alarmist. Merong undocumented Filipinos working in Sabah at may regularity na pinababalik sa Pilipinas at matagal na ‘yun bago pa ako makaupo. Wala naman yatang masasabi natin na pangkalahatang tinutugis lahat ng may kaugnayan sa Pilipinas at pinauuwi sa Pilipinas. Hindi yata ganun ang nangyayari. So, again, ulitin ko nag-usap kami ng pinakamataas na opisyal nila. Pinakiusap ko na ‘wag madamay ‘yung mga walang kaugnayan sa sitwasyon na ito. At wala naman tayong nakikita na parang taliwas doon sa ating pakiusap na ‘yon,” ayon kay Pangulong Benigno Aquino III.
Sa kabilang dako, inamin pa ng Pangulong Aquino na kanyang ipinakiusap na kung pupuwedeng huwag madamay ang mga hindi sangkot na mga Filipino na nasa Sabah na tinatayang nasa 800,000 katao.
Ang mga ito aniya ay tahimik na namumuhay sa Sabah.
Nakatakda nang makipag-usap si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa kanyang counterpart na Foreign Minister ng Malaysia kung saan ay kapwa susubukan ng mga ito na maghanap ng ibang solusyon kung saan ang pangunahing gagawin ng mga ito ay pakalmahin ang sitwasyon sa Sabah.