HINDI pa rin nagbabago ang panawagan ni Pangulong Benigno Aquino III sa angkan ni Sultan Jamalul Kiram III.
Sinabi ng Pangulong Aquino na hindi rasonableng humingi ng pang-unawa kung nakatutok ang armas sa mukha ng iyong kausap.
Aniya, magsisimula lamang ang rasonableng usapan sa oras na maging handa ang mga ito na maging mahinahon at magtimpi, at humarap sa mesa nang may bukas na pag-iisip.
“Mulat tayong may mga taong nagkuntsabahan upang humantong tayo sa sitwasyong ito—isang sitwasyong walang agarang solusyon. Ilan po sa kanila ay nakikita natin, habang ang iba naman ay nagkukubli pa rin sa dilim,” anito.
Sinabi pa ni Pangulong Aquino na hindi kakayanin ng angkan ni Sultan Jamalul Kiram III na gawing mag-isa ang ganitong uri ng pagkilos.
Kapansin-pansin din aniya ang nag-iisang linya ng mga kritiko para gatungan ang malubha na ngang sitwasyon.
“Pinalubha nila ang isyung ito, at ginagawa nila ito habang inilalagay sa peligro ang daan-daang libong Pilipino. Sa mga taong nasa likod nito, ngayon pa lang, sinasabi ko sa inyo: Hindi kayo magtatagumpay. Pananagutin natin ang mga nagkasala sa bansa,” ani Pangulong Aquino.
Samantala, labis namang nagpasalamat si Pangulong Aquino sa mga Filipino na tumutulong tungo sa resolusyon ng pangyayaring ito.