DUMULOG sa Court of Appeals ang mga depositor at empleyado ng Banco Filipino para hilingin na payagan silang makilahok sa kaso na inihain kontra sa Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Deposit Insurance Corporation.
Ito ay sa pamamagitan ng 16-pahinang motion for leave to intervene na inihain sa Court of Appeals Seventh Division.
Kasabay nito, naghain din ang mga depositor at empleyado ng petisyon para hilingin na muling mabuksan ang Banco Filipino dahil solvent o may sapat namang asset ang bangko.
Sa 38-pahinang petisyon, hiniling din nila na magpalabas ang CA ng temporary restraining order para pigilin ang BSP, Monetary Board at PDIC sa pagpapatupad ng Resolution No. 1635 ng Monetary Board na ipinalabas noong October 27, 2011 na nag-uutos ng liquidation ng Banco Filipino, gayundin ang Resolution 372-A na may petsang March 17, 2011 na nag-uutos naman ng pagpapasara sa bangko.
Ayon kay Atty. Pat Bautista, abugado ng mga depositor, hindi makatwiran na maipit ang mga depositor at empleyado sa hidwaan ng BSP at Banco Filipino.