NAGDAOS ngayon araw ang Commission on Elections (Comelec) nang kauna-unahang raffle para sa magiging pwesto ng mga party-list groups sa opisyal na balotang gagamitin sa nalalapit na May 2013 midterm elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, ang nasabing raffle ay ginanap alas 10:00 ng umaga.
Tinatayang dadalo sa raffle ang 84 party-list groups na pinayagang makalahok sa darating na halalan, gayundin ang mga kinatawan ng 52 party-list group na una nang diniskwalipika ng Comelec subalit nakakuha ng status quo ante (SQA) order sa Korte Suprema.
Una nang sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr, na papayagan nilang makasama sa ililimbag na balota ang mga grupo na nakakuha ng SQA hangga’t wala pang pinal na desisyon rito ang Korte Suprema.
Matatandaang dati ay alphabetical order ang ayos ng mga party-list groups sa mga balota.
Gayunman, nagpasya ang Comelec na baguhin ito dahil halos lahat ng party-list groups ay pumipili ng pangalan na nagsisimula sa letrang A o numero 1 para mauna ang pangalan sa listahan.
Sa ilalim naman ng bagong proseso, bawat isang party-list group ay kinakailangang mayroong kinatawan para sa gagawing raffle.
Ang nasabing kinatawan ang bubunot sa tambyolo, at anumang numero ang mabunot nito ay siya nilang magiging pwesto sa balota.
Sakali namang walang kinatawan ang isang grupo ay kahit sino sa mga Comelec Commissioners na lamang ang bubunot para sa kanila.