KINASUHAN ang apat na empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Office of the Ombudsman dahil sa mga iregularidad sa pagsusubasta ng mga proyekto sa Region 4A partikular sa lalawigan ng Quezon.
Nagsampa ng kaso ang project engineer ng RC Tagala Construction na si Erwin Prado sa mga opisyal ng Bids and Awards Committee ng DPWH Region 4A na sina Eufrania Cabaysa, bids and awards committe, chairman , Helen Asinas , BAC vice chairman, Wilson Tagbo, at Jose Portales na miyembro ng BAC. Kasong falsification of documents at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Government Procurement Reform Act ang isinampa laban sa mga nabanggit na opisyal.
Sa sinumpaang salaysay ni Prado, nakatanggap umano siya ng invitation to bid para sa P34.3 milyong preventive maintenance ng Famy-Real-Dinahican port road , Pag-konkreto sa Marikina -Infanta road, pagmimintini ng Lucena -Tayabas-Lucban-Sampaloc-Mauban port road at P5.8 milyon para sa pag-konkreto ng Mauban -Tignoan road.
Ayon kay Prado, lahat ng pulong para sa bidding process mula sa pre-bidding conference hanggang sa submission at opening of bids ay nakansela sa hindi malamang dahilan . Nang tanungin umano niya si Cabaysa kung bakit nagkaganuon ay sinabihan umano siya ng BAC chairman na iurong na ang bid ng kanilang kumpanya dahil kasali umano sa bidding si Quezon Rep. Mark Wilfrido Enverga.
Sinabi ni Prado na walang makatuwirang dahilan ang isinagawang mga pagpapaliban sa bidding process at labag sa batas ang natuklasan nilang pagtanggap ng BAC ng mga “alternative bids “kung saan may “multiple bids “ang ibang kumpanya upang siguruhin ang pagkopo sa mga proyekto ng gobyerno.