SUMISIKIP na ang mundo para sa 11 pang suspek na tumulong para makatakas sa kanilang jail guard escorts ang tatlong Chinese drug syndicate inmates ng Cavite noong nakaraang Pebrero 20.
Sinabi ni Chief Supt. Generoso Cerbo Jr, spokesperson ng Philippine National Police (PNP), na nakakuha na sila ng mga litrato at maging ang mga pangalan ng mga natitira pang suspek hinggil sa pagtakas ng drug lord na si Li Lan Yan, alyas Jackson Dy, ang misis nitong si Wang Ling Na at ang isang nagngangalang Li Tian Hu.
Hindi naman muna ibinuyag ni Cerbo ang mga pangalan ng mga suspek na ngayon ay tinutugis na ng mga awtoridad para pananagutin sa ikinasang krimen.
“All have criminal records and operatives pursuing them have copies of their names and pictures,” pahayag ni Cerbo.
Kasabay nito, hiniling din ni Cerbo sa publiko na maging alerto at i-report sa PNP ang anomang makikitang kahina-hinalang kalalakihan sa kanilang lugar.
Nauna rito, nahuli ng PNP operatives ang apat sa 15 suspek na sina Rodel Cambongga, na nagsilbing lookout at ang mga kasabwat nitong sina Emiliano Quilicol, Rene Bersales at chairman Leovino Fontanilla ng Barangay Bayan Luma sa Trece Martirez, Cavite. Ang apat ay kinasuhan na.
Nitong nakaraang linggo lamang, nakipag-usap si Justice Secretary Leila de Lima sa mga opisyal ng National Bureau of Investigation at kay Chief Superintendent Federico Laciste, deputy chief ng Directorate for Integrated Police Operations sa Southern Luzon, para simulan ang imbestigasyon kung paano nakatakas ang mga presong banyaga.
Ang tatlong Chinese drug operators ay naaresto noong 2003 dahil sa pagmamantine ng shabu warehouses at laboratory. Sila ay hinatulan ng Parañaque City Regional Trial Court noong Abril 29, 2009.
Bago ang pagdakip, nagbuhay hari si Li mula sa kanyang illegal drug operations at ang ebidensya ay nabuko dahil sa dami ng kanyang mga ari-arian.
Lumabas din sa talaan na si Li ay mayroong isang condominium unit sa Marina Bay Homes, na isang exclusive subdivision, isang Jaguar car, beach resorts na halagang P46 million, tatlong malalaking ari-arian sa Zambales, isang mansion sa Zambales, at bank accounts na may malaking deposito ng pera. Mayroon din itong 5 townhouses, na ang halaga ng bawat isa ay P8 milyon.