TUMAAS ng mahigit P700-milyon ang nakolektang buwis ng Quezon City government sa anim na buwan ng taong 2014 na aabot sa mahigit P9.6-bilyon.
Nabatid sa ulat na umabot sa P782,429,105.40 ang itinaas ng koleksyon sa business tax at real property tax ng QC government na mas mataas sa nakalipas na 2013.
Sa nakalipas na anim na buwan ng 2014 nakakolekta ang QC government ng P9,688,489,45.19, mas mataas kesa sa nakalipas na 2013 na umabot sa P8,908,060,349.79.
Ayon kay QC Treasurer Edgar Villanueva, ang pagtaas ng koleksyon sa buwis ng pamahalaang lungsod ay dahil mas maraming negosyante ang mas pinipili ang mamuhunan sa Quezon City dahil sa seguridad at magandang environment para sa pamumuhunan.
Tiniyak din ng treasurer ng lungsod na mas mahihigitan pa nila ang nakolektang buwis ng lungsod dahil sa mahusay na programa ng lungsod sa pagnenegosyo.
Ang Quezon City ang isa sa pangunahing lungsod sa Metro Manila na may pinakamataas na koleksyon sa buwis. Santi Celario