SUGATAN ang isang dalaga matapos saksakin ng kapangalan ng aktres at TV host na si Kris Aquino sa Navotas City, kahapon, Agosto 4.
Sugat sa kaliwang pisngi ang tinamo ng biktimang si Cherry Rosales, 26, hair stylist ng Franche Hair Salon sa M. Naval St., Bgy. North Bay Blvd. North (NBBS) at residente ng #7 Kagandahan St., Batasan Hills, Quezon City.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng manhunt operation ang awtoridad laban sa suspek na si Kris Aquino, 28, ng #32 Esguerra St., Bgy. Flores, Malabon City na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Sa nakalap na impormasyon sa Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Navotas City Police, naganap ang insidente alas-2:30 ng hapon sa loob ng pinapasukang salon ng biktima.
Ayon sa ulat ng pulisya, kasalukuyang nagtatrabaho ang biktima sa naturang salon nang dumating ang suspek na dati nitong kinakasama at nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga ito.
Habang nasa kainitan ng pagtatalo ay bigla na lamang bumunot ang suspek ng icepick at sinaksak ang biktima. Roger Panizal