PINAAAGAPAN ng ilang kongresista sa liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang pagkadismaya dahil sa usad-pagong na panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ayon kay Magdalo Rep. Ashley Francisco Acedillo sa liderato ng MILF, posibleng mauwi sa hindi pagkakaunawaan at digmaan uli kung hindi maipaliliwanag at pahuhupain ang diskuntento ng ilang miyembro nito sa mabagal na pagsusumite ng Malacañang sa Kongreso ng BBL.
Pakiusap ni Acedillo, dapat magkusa ang mga opisyal ng MILF na ipaliwanag sa mga miyembro kung bakit naaantala ang pagtalakay ng Kongreso sa BBL dahil hanggang ngayon ay pinag-aaralan pa ito ng Palasyo.
Naunang sinabi ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na hindi pa naisusumite ng Malakanyang ang BBL draft sa Kongreso dahil patuloy pa rin ang ginagawang pag-aaral dito.
Nangangamba ang kongresista na magkaroon ng espekulasyon ang mga dismayadong miyembro at ibang impormasyon ang marinig na iba sa kanilang expectation sa naging resulta ng negosasyong pangkapayapaan at sa nilagdaang kasunduan.
Matapos ang SONA ni Pangulong Aquino, lumabas ang pagka-diskuntento ng ilang miyembro ng MILF sa katagalan ng pag-aksyon ng Malakanyang ukol dito at mayroong naaalarma sa posibilidad na mauwi uli ito sa digmaan.