LALO pang lumakas ang Bagyong Inday habang papalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) bunsod ng haging habagat.
Ayon sa PAGASA, pasok na ngayon ito sa tropical storm category na bagyo, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro kada oras (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kph.
Ani PAGASA weather forecaster Manny Mendoza na huling namataan ang bagyo sa layong 580 kilometro hilagang-silangan ng Basco, Batanes o sa silangan ng southern Taiwan.
Patuloy pa rin na makakaranas ng mga pabugso-bugsong pag-ulan ang Luzon at Visayas dahil sa hanging habagat na pinag-iibayo ng bagyong Inday.
Nananatili naman ang bilis nito sa 17 kph pa-hilaga hilagang-kanluran.
Inaasahang lalabas ito ng PAR ngayong gabi.
Dahil lumakas si “Inday,” asahan din ang pinag-ibayo pang paminsan-minsang pag-ulan sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Cagayan Valley at western Visayas, na dala ng Habagat.
Mahina hanggang katamtamang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang asahan sa MIMAROPA.
May gale warning pa rin sa lahat ng dalampasigan ng Luzon.
Posible namang Linggo ng gabi o Lunes ng umaga lalapit ng PAR line ang isa pang sama ng panahon na nasa Karagatang Pasipiko, kung manananatili ang bilis nito. Johnny F. Arasga