NABUKO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagre-repack ng 2,000 sako ng NFA rice upang maibenta bilang commercial rice sa Barangay Napnud, Leganes sa Iloilo kaninang madaling-araw.
Ayon sa NBI, pinasok ng mga operatiba ang isang bodega na pag-aari ng isang Dennis Devicente at dito nadatnan ang mga sako ng NFA rice na inililipat pa ng mga trabahador sa sako ng commercial rice.
Kinumpiska nila ang mga sako ng bigas at ang mga kagamitan na ginagamit nila sa pagre-repack.
Kinandado na rin ang bodega upang masiguradong walang mailalabas na ebidensya.
Sa nakalap na intelligence report ng NBI, galing sa bodega ng NFA sa Roxas, Capiz ang mga narekober na bigas at nakatakda sanang ibenta sa mga merkado sa Iloilo.
Sinubukan ng NBI na makapanayam si Devicente ngunit hindi ito mahagilap.
Nahaharap ang may-ari ng warehouse sa paglabag sa Presidential Decree (PD) No. 4 o Diversion at Illegal Distribution of NFA rice. Johnny F. Arasga