MABABALIK lang sa maruming pulitika ang Sangguniang Kabataan (SK) kung hindi maipapasa ang kinakailangang mga reporma.
Ito ang babala ni Sen. Bam Aquino, chairman, Senate Committee ng Youth, kasabay ang panawagan sa Kongreso na ipasa na ang SK reform bills.
Nitong 2013, inaprubahan ng Kongreso ang pagpapaliban ng SK elections ng isang taon na layong makapagpasa ng SK reform bills bago dumating ang Oktubre 28, 2014.
Nagkasundo rin na na gawin ang susunod na SK elections sa pagitan ng Oktubre 28, 2014 at Pebrero 23, 2015.
Ani Aquino, may-akda ng Senate Bill No. 1090, ang “Liga ng Bayaning Kabataan (LBK)” Bill, inaprubahan ang pagpapaliban upang bigyan ng panahon ang Kongreso na magpasok ng kinakailangang pagbabago sa sistema ng SK.
“Mahalaga ang mga repormang isinusulong natin upang mailayo ang mga kabataan sa kuko ng magulong uri ng pulitika,” wika ng senador.
Kabilang sa mga isinusulong na reporma ang pagtataas ng age limit sa SK mula 15-17 taon patungong 18-24 anyos.
Nais din ni Aquino na sumailalim ang youth leaders ng mandatory leadership at entrepreneurship training upang mabigyan ng sapat na kaalaman sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Kasama din reporma na baguhin ang sistema, maibalik ang diwa ng volunteerism, at mailayo ang mga kabataan sa maruming sistema ng pulitika.
Isusulong din ng panukala ang pagkakaroon ng transparency, pananagutan at partisipasyon ng kabataan sa lahat ng LBK projects. Linda Bohol