MATAMLAY ang pagbubukas ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso para sa 2nd Regular Session ng 16th Congress nitong Lunes kumpara sa mga nakalipas na taon.
Hindi napuno ng inaasahang VIPs ang gallery ng plenaryo ng Senado, tumagal lamang ng 22-minuto ang opening ng sesyon at maikli din ang opening statement ni Senate Pres. Franklin Drilon.
Hindi dumating si VP Jejomar Binay at asawa nito sa nasabing okasyon.
Tumatagal ng mahigit na isang oras ang tradisyunal na ‘opening’ sa nakalipas na mga taon sa tuwing magbubukas ang Kongreso.
Kapansin-pansin din ang hindi pagkakaroon ng tradisyunal na ‘picture taking’ ang lahat ng senador matapos ang opening.
Tanging ang lady senators lamang ang nagpakuha ng litrato suot ang magagarang Filipiniana gowns na gawa ng kani-kanilang paboritong designers.
Suot ni Sen. Grace Poe ang simple at eleganteng Filipinan gown sa opening session na gawa ni Paul Cabral.
Si Roulette Esmilla naman ang designer sa kanyang crème gown na isinuot sa State of the Nations Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino sa Kamara de Representante.
Nagpalit din ng kasuotan sina Sen. Cynthia Villar, Nancy Binay, Loren Legarda at Pia Cayetano sa pagdalo sa nasabing SONA.
Suot naman ng male senators ang ‘Barong Tagalog’ kasama ang kani-kanilang asawa na nakasuot din ng Filipiniana gowns.
Isa sa dahilan ng matamlay na opening session sa Senado ay ang kawalan ng presensya nina Sen. Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada na nakakulong sa Camp Aguinaldo dahil sa kasong plunder.
Absent naman si Sen. Miriam Santiago dahil sa kanyang karamdaman.
Magugunita na ikinairita ni Santiago noong July 2013 sa pagbubukas ng Kongreso ang magarbong kasuotan ng mga senador na dumadalo sa SONA ng pangulo.
Naghain ito ng panukala nag-awing simple at ‘uniformed’ ang kasuotan ng mga mambabatas na dadalo sa ganitong okasyon.
Agaw-pansin aniya sa publiko ang magarbong kasuotan ng mga mambabatas gayung naghihirap ang ekonomiya ng bansa. Linda Bohol