KALABOSO ang isang lalaki matapos ang isinagwang entrapment operation makaraang ipatubos ng una sa may-ari ang tinangay na motorsiklo sa Caloocan City, Linggo ng gabi, Hulyo 27.
Nakilala ang suspek na si Abdulah Mandani ng Pabahay, Tala ng lungsod.
Ayon sa biktimang si Gloria Cunanan, alas-9 ng umaga noong nakalipas na Hulyo 10, 2014 ay pinuntahan siya sa kanilang bahay sa Almar, Camarin ng isang alyas ‘Mervin’ at hiniram ang kanyang Mio Soul na wala pang plaka dahil bibili lang umano ng pagkain.
Ngunit makaraan ang ilang oras ay hindi na bumalik si Mervin hanggang sa tawagan nito ang biktima at sinabing na kay Mandani ang kanyang motor.
Ibinigay ni Mervin ang numero ng suspek at nang kontakin ay sinabi ni Mandani na kailangan magbayad ng P21,000 kung gusto pang mabawi ng biktima ang motorsiko dahilan para humingi ng tulong ang biktima sa mga pulis.
Nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis at alas-8:30 ng gabi ay nagkasundo ang biktima at suspek na magkikita at magbabayaran sa harap ng Barangay 186 sa Tala ng lungsod.
Paglutang ni Mandani dala ang motorsiklo ay agad itong dinakip ng mga pulis at dinala sa presinto matapos mabawi ang Mio Soul.
Kasalukuyan pang pinaghahanap si Mervin. Rene Manahan