MAKATATANGGAP ng dagdag na bayad ang mga manggagawa na magtratrabaho ngayong araw, July 27 at sa Martes, July 29.
Ito ang kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, ang mga manggagawa na pumasok sa trabaho sa nasabing mga holidays ay may karapatang makatanggap ng “extra pay”.
Sa labor pay rules, kapag regular holidays, bawat manggagawa na magre-report sa trabaho ay makakatanggap ng double pay para sa unang walong oras sa kanilang trabaho habang makakatanggap ng 30% na dagdag kapag excess na sa walong oras.
Habang ang mga manggagawa na dapat naka-day off subalit pumasok sa trabaho ay makakatanggap naman ng 230% na bayad sa loob ng walong oras habang dagdag na 30% sa excess na oras.
Ang mga manggagawa naman na hindi magtratrabaho sa naturang mga araw ng holiday ay makakatanggap pa rin ng regular daily rate o arawang bayad.
Ayon pa sa DOLE, may karagdagang 30% sa kanilang regular daily pay ang mga mangaggawa na papasok ngayong araw.
Muli namang pinaalalahanan ni Baldoz ang mga employers na sumunod sa itinakdang pay rules sa mga manggagawa tuwing holidays at special non-working days.
Ang July 27 ay una nang idineklara ng Malakanyang na isang special non-working holiday bilang paggunita sa ika-100th anniversary ng Iglesia Ni Cristo (INC) habang ang July 29 naman ay isang regular holiday. Jocelyn Tabangcura-Domenden