TATLONG gabinete ni Pangulong Aquino ang ipinanawagan ng ilang kongresista na sibakin at ianunsyo sa mismong State of the Nation Address (SONA) sa Lunes, July 28.
Hinamon ni BUHAY Rep. Lito Atienza si Pangulong Aquino na isabay na sa kanyang SONA ang pagsibak kina Budget Sec. Florencio “Butch” Abad, Agriculture Sec. Proceso Alcala at Transportation Sec. Joseph Emilio Abaya.
Giit ni Atienza, dapat maging decisive na ang pangulo at pakawalan ang mga kalihim na nagpapahamak sa administrasyon.Magugunitang hindi lamang si Atienza kundi maging ang minority bloc sa Kamara ay nananawagan na kay Pangulong Aquino na sibakin sa pwesto si Abad dahil sa pagiging arkitekto nito sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional.
Si Alcala naman ay pinagbibitiw na rin sa pwesto ng iba’t ibang sector dahil sa hindi nito nasawata ang labis-labis at kagulat-gulat na pagtataas sa presyo ng mga produktong agricultural gaya ng bigas, bawang, luya, manok at karne ng baboy.
Dahil naman sa palpak na sebisyo ng MRT at LRT gayundin sa mga umano’y kwestyunableng kontratang pinasok nito at hindi mapigil na pagtaas sa pamasahe ang dahilan naman ng pagpapa-resign kay Abad.
Magkagayunman, inihahanda na ni Atienza ang kaniyang sarili dahil posibleng madismaya siya sa SONA at hindi marinig mula sa pangulo ang pagpapatalsik sa tatlo nitong gabinete.
Ang tinitiyak lamang ni Atienza ay ang sigurado aniyang puno ng pagmamalaki sa mga nagawa ng administrasyon na hindi naman totoo ang SONA ni Pangulong Aquino.
Pasaring ng kongresista, ipinagmalaki na ng pangulo ang rice self sufficiency program at rice export ng bansa pero ngayon ay malaki pa rin ang rice importation.
Ibinandera na din aniya ng pangulo sa nagdaang SONA na maraming pinagpipiliang trabaho ang mga Pinoy ngayon ngunit nagpapatuloy naman ang paglobo ng unemployment. Meliza Maluntag