LALONG tumitindi ang bangayan ng executive department at ng hudikatura kasunod ng kontrobersiyang Disbursement Acceleration Program (DAP) ni Pangulong Noynoy Aquino na idineklarang labag sa Saligang Batas ng Korte Suprema.
Maging ang mga mahistrado ng Korte Suprema ay mistulang pinupuwersa na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nang hingan ng kopya ni BIR Commissioner Kim Henares ng statement of assets, liabilities and net worth (SALN) of the justices.
Pero nitong Hunyo 17 lamang ay naglabas ng resolusyon ang hukuman na ibinabasura nila ang kahilingan ng BIR.
Iginiit ng mga mahistrado na hindi na nila kailangan magbigay ng kopya ng SALN sa BIR dahil bukas na rin ito sa publiko.
Magugunitang sinabi ni Henares na nais alamin ng BIR kung nagbabayad ng tamang buwis ang mga mahistrado.
Nabatid na inilabas na ng Korte Suprema ang SALN ng mga justices at lumalabas na si Associate Justice Mariano del Castillo ang pinakamayaman.
Ang kanyang net worth ay nasa P122,217,723.13 noong 2013, sinundan ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na may P84,309,762.57 na net worth.
Ang junior justice na si Associate Justice Marvic Leonen, ay may net worth na P1,817,706.75 noong 2013.
Habang si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay may P19,012,648.21 noong nakaraang taon. Johnny F. Arasga