ISANG fetus ang natagpuan ng isang mister sa labas ng kanyang bakuran na nakasilid isang paper bag, Lunes ng hapon, sa Malabon City.
Ayon sa ulat ni PO2 Diana Palmones ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Malabon Police, dakong 1:50 ng hapon nang matagpuan ang fetus malapit sa Victory Chapel sa kahabaan ng Victoneta Avenue, Bgy. Potretro ng nasabing lungsod.
Salaysay ni Honorio Dizon, 53, ng # 9 Magsaysay St., University Village, ng nasabing barangay, naglalakad siya patungo sa chapel nang madaanan ang isang Le Donne paper bag na agad naman niyang nilapitan at dinampot.
Pagbukas ng bag ay isang kahon ng sapatos ang laman nito at nang tingnan ay bumungad ang isang fetus na tinatayang nasa pagitan ng 8 hanggang 9 na buwang gulang.
Kaagad niyang ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang natagpuan na may nakapulupot pang rosaryo sa kanang kamay at nakakabit pa ang umbilical cord.
Pinaghahanap naman ang hindi nakilalang walang pusong ina na basta na lamang iniwan ang kanyang anak sa gilid ng kalsada habang umuulan.
Kaagad namang pinabendisyunan ng mga barangay tanod sa kalapit na Sisters of Victory Chapel ang fetus bago inilibing sa Tugatog cemetery. Roger Panizal