TATLO na ang naibalik sa selda habang walo pa ang tinutugis sa pagpuga ng 11 preso sa Mandaluyong City police detention cell nitong nakaraang Lunes ng madaling-araw.
Sa inilatag na follow-up operation nitong Lunes ng gabi, naunang nasilo sa Welfareville Compound sa Mandaluyong City ang isa sa mga presong si Gabby Capistrano.
Kasunod sina Albert Llaneta na may kasong theft at si Nalson Yambao, may kasong robbery na kapwa nahuli sa bahay ng kani-kanilang kamag-anak sa nasabing lungsod.
Hinahagilap pa rin hanggang ngayon si Djordan Villadolid, ang itinuturong pasimuno sa pagtakas.
Dahil dito, sinibak na ang limang jail officers ng detention cell kabilang ang isang jail supervisor, dalawa guwardiya, isang on-duty at isang incoming jailer. Robert C. Ticzon