ITIGIL na ang panggagahasa sa hudikatura!
Ito ang sigaw ng mga empleyado ng Korte Suprema at Sandiganbayan sa isinagawang black and red protest laban sa mapaghiganting aksyon ni Pangulong Noynoy Aquino laban sa hudikatura.
Nakasuot ng kulay itim na damit ang mga empleyado ng Supreme Court (SC) habang naka-pula naman ang mga taga-Court of Appeals (CA) sa flag-raising ceremony kahapon.
Nakiisa rin ang mga taga-Regional Trial Court (RTC) at ibang hukuman sa buong bansa bilang pagsuporta sa pambu-”bully” ng Pangulo sa Korte Suprema sa televised speech nito ukol sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Nilinaw naman ng mga ito na boluntaryo ang pagsali nila sa naturang protesta.
Sinalubong naman ng palakpakan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno nang dumating ito dahil nakasuot siya ng dark gray na suit habang naka-itim na jacket naman si Justice Estrella Perlas Bernabe.
Panawagan ni Jojo Guerrero, Presidente ng Supreme Court Employees Association, itigil na ni PNoy ang panggagahasa sa hudikatura.
Aniya, bukas naman sa post-audit ang JDF, pero hindi naman tama na silang mga kawani ng hukuman ay gutumin sa pamamagitan ng pagbuwag sa JDF.
Eighty percent ng JDF ay napupunta sa allowance ng mga kawani ng hudikatura.
Umapela rin si Guerrero kay Pangulong Aquino na sumunod na lang sa batas kasabay ng paalala na siya ay naluklok sa kapangyarihan dahil sa umiiral na Konstitusyon.
Mauulit pa ang naturang protesta sa Lunes, Hulyo 28 kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo. Teresa Tavares