SABOG ang ulo ng isang taxi driver nang pumalag sa mga holdaper sa Cebu kaninang madaling-araw, Hulyo 20.
Dead-on-the-spot sanhi ng tama ng kalibre 45 sa likod ng ulo ang biktimang si Felipon Borden, 54, may asawa, ng Barangay Apas, Cebu City.
Tinutugis na ng Consolacion Police Station ang mga suspek na pinaniniwalaang mga miyembro ng taxi robbery group na nakakalat sa nasabing lunsod.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 5:50 ng madaling-araw sa isang bisinidad sa Barangay Perhaum, sa Consolacion, Cebu.
Bago ito, tumawag sa awtoridad ang mga residente sa lugar nang mapansin ang isang taxi na nakaparada sa gilid ng kalsada habang nakasubsob ang driver sa manibela nito.
Agad namang nirespondehan ng pulisya ang lugar at nabatid na may tama ng bala sa ulo ang biktima.
Bukod dito, nawawala rin ang kinita ng biktima at ilan pang mahahalagang gamit nito.
Narekober sa crime scene ang 3 live ammos ng kalibre .45. Robert C. Ticzon