HINDI lang kaswalidad kundi maging ang pinsala sa mga ari-arian ang biglang sumirit pa sanhi ng pananalasa ng Typhoon Glenda sa bansa.
Batay sa pinakahuling talaan ng NDRRMC, nadagdagan pa ng lima ang bilang ng namatay kaya pumalo na sa 94 ngayon ang namatay.
Pinakahuling nadagdag dito ang mga nakumpirmang pagkamatay sa Quezon, na matinding niragasa ng bagyong ‘Glenda.’
Sumipa naman sa 317 ang bilang ng nasugatan habang anim pa ang hindi mahagilap hanggang sa ngayon.
Samantala, lumobo na sa mahigit P7.3-bilyon ang halaga ng pinsala ng bagyo sa higit limang rehiyon na hinagupit nito.
Sa nakalap na datos, aabot na sa mahigit P1-bilyon ang halaga ng mga nasirang imprastraktura.
Habang mahigit P6.3-bilyon naman ang danyos sa mga pananim, livestock at pasilidad.
Nasa P27-milyon mahigit naman ang pinsala sa mga gusali sa mga paaralan.
Katumbas nito, nagpalabas na ng P16-milyong halaga ng relief goods at gamot ang pamahalaan para sa higit 1.6-milyong apektado ng bagyo.
Sa bilang na ito, higit kalahating milyon ang nananatili sa mga evacuation centers. Robert C. Ticzon