NASAGIP kaninang umaga, July 11, sa Jolo ang isang fish farm manager na dinukot noong Mayo sa Sabah.
Nabatid na sinundo ng isang Malaysian negotiators nitong Miyerkules ng gabi ang biktimang si Yang Zai Lin sa isang lugar sa Jolo na balwarte ng Abu Sayyaf.
Inihayag naman agad ni Sabah Police Commissioner Datuk Jalaluddin Abdul Rahman na walang ibinayad na ransom sa paglaya ni Yang.
Pinagtibay din ito ni Home Minister Datuk Seri Zahid Hamidi at ipinagmalaki na narekober nila si Yang sa pamamagitan lamang ng “intelligence information.”
Pero hindi rin madali para kay Yang at sa mga negosyador dahil habang papatakas at sakay sa pump boat ay pinasadahan sila ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang katunggali o rival kidnap group sa karagatan ng Patikul sa Sulu.
Sa kabila nito, dumating si Yang at ang negosyador sa Sandakan sa Sabah dakong 1 a.m. nitong Huwebes.
Nakapiling na agad ni Yang ang kanyang pamilya.
Isa pang hostage sa Sabah, na si Chan Sai Chuin ang nananatili sa kamay ng Abu Sayyaf simula nang dukutin ito sa isang fish farm sa Kampung Sapang noong Hunyo 16.
The post Dinukot na manager sa Sabah, nakalaya na appeared first on Remate.