AALAMIN ng Sandiganbayan 5th Division kung papayagan ang hirit na pagpiyansa nina Janet Lim-Napoles at Sen. Jinggoy Estrada na kapwa akusado ng kasong plunder kaugnay ng pork barrrel scam, Martes ng umaga.
Sa ilalim ni Associate Justice Rolando Jurado, diringgin kung pagbibigayan ang motion for bail na magkahiwalay na inihain nina Napoles at Estrada.
Tinatayang P100,000 ang ginagastos ng pamahalaan sa pagbibigay ng seguridad sa paglabas ni Napoles na nakapiit sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna sa kasong serious illegal detention.
Bahagi ng convoy ni Napoles ang apat na motorsiklo, dalawang kotse, van, armored truck, ambulansya, dalawang pickup at dalawang mobile patrol.
Inaasahang haharap din sa Sandiganbayan si Estrada ngayong araw.
Itinakda ng korte sa Hulyo 15, 22 at 29 ang pagdinig sa hiling ng senador na makapagpiyansa.
Martes ng hapon naman, diringgin sa 3rd Division ang mosyon ni Sen. Juan Ponce Enrile para sa hospital arrest at ang hiling na detensyon ni Atty. Gigi Reyes sa Custodial Center ng Camp Crame sa halip na sa Quezon City Jai.
Sa Huwebes naman nakatakdang dinggin sa 1st Division ang hiling ni Sen. Ramon “Bong” Revilla na makapagpiyansa habang sa Biyernes nakatakda ang pagbasa ng sakdal kay Sen. Juan Ponce Enrile.
The post Pagpipiyansa nina Napoles at Jinggoy, aalamin ngayong Martes appeared first on Remate.