NASA 18 bodegang imbakan ng mga bigas ang sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Food Authority (NFA) sa Metro Manila at ilang karatig lugar dahil sa pag-iimbak ng NFA rice.
Kaninang umaga, Hulyo 6, nang sabay-sabay na sinalakay ng awtoridad ang mga warehouses na may libu-libong sako ng NFA rice na kanilang ipinapalabas bilang commercial rice at ibinibenta sa mas mataas na presyo pa.
Personal na tinungo nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas, NFA Administrator Arthur Juan at Sec. Kiko Pangilinan ang JY & Son warehouse sa West Service Road sa Barangay Cupang, Muntinlupa City.
Natagpuan sa nasabing warehouse ang nasa 15,000 sako na NFA rice at isinasalin sa commercial sacks.
May nakita rin ang CIDG sa bodega ng makina na nagpapalabas umano na bago ang mga bigas na nakaimbak sa nasabing bodega.
Sa Barangay Tikay, Malolos, Bulacan naman, napag-alamang hinahaluan ng animal feeds ang commercial rice upang palabasin na ito ay Sinandomeng na de kalibre klase ng bigas.
Ayon kay CIDG chief Director Benjamin Magalong, sinalakay ng mga operatiba ng CIDG at NFA ang warehouse sa Barangay Bagbaguin sa Valenzuela maging ang ilang iligal na imbakan sa Nueva Ecija, Isabela, Cagayan at Pangasinan.
Sinabi ni Magalong na sa 18 warehouse, nasa 170,000 sako ng bigas ang natagpuan ng awtoridad.
Tinatayang nasa P120 milyon halaga ang narekober mula sa mga warehouse ng Malolos, Valenzuela at Muntinlupa.
The post 18 illegal rice warehouses, sinalakay ng CIDG appeared first on Remate.